PANLILIO’s LATEST “GOOD GOVERNANCE” STYLE:
Tipirin ang mga mahihirap para tulungan ang mga mahihirap! Ayos!
Noong isang linggo, buong pagmamalaki na inanunsyo ng paring-gobernador Eddie T. Panlilio na “nakatipid” ang kanyang administrasyon ng humigit-kumulang P45 million mula sa kanilang 2008-2009 budget. Hiniling nito ngayon sa Sangguniang Panlalawigan na ilipat na lamang ang “savings” na ito bilang pandagdag sa tulong na ibibigay sa mga biktima ng sunud-sunod na bagyo at baha sa probinsya at sa iba pang items na nangangailangan ng pondo.
Ani Panlilio, “In order to lessen the impact our cabalens have suffered brought by the recent calamities that besieged our province, I have ordered for the implementation of austerity measures in my office and considerably slashed our budget.” [Upang mabawasan ang tindi ng tama ng hirap sa ating mga kababayan dulot ng nagdaang mga kalamidad sa ating probinsya, inutos ko na ipatupad ang mga hakbanging pagtitipid and nagbawas ng malaki mula sa aming budget.]
Sa biglang tingin, parang, “Wow, ang galing naman! Dahil sa pagtitipid ng gobyerno ni Among Ed, mas marami ngayon ang matutulungang mga magsasaka at mahihirap na nabiktima ni Ondoy at Pepeng.”
Makalipas ang ilang minutong pagkatuwa sa “magandang balita” na ito para sa mga biktima ng baha at bagyo, marami ang nagtanong: Paano kaya nagtipid? Ano ang tinipid? Mahusay sana ang pagkaka-kamada kumbaga ng budget nitong si Among Ed para hindi naman matapyasan ang budget na kailangang-kailangan din naman ng ating mga kababayan.
Makalipas ang ilang araw, nalaman natin ang sagot.
Lumalabas na kabilang sa “savings” na binabanggit nitong paring-gobernador ay mula sa pondo na nakalaan para sa Aid to Indigents (tulong sa mga mahihirap) and Aid to Hospitals (tulong sa mga ospital).
Teka, nabawasan na nga ba ang mga mahihirap nating mga kababayan na nagkakasakit at naoospital na lumalapit at humihingi ng tulong mula sa Kapitolyo?
Parang may mali!
Hindi kaya dahil sa sobrang liit o sa sobrang higpit sa pagbibigay ng gobyerno ni Among Ed para sa mga indigent at hospitals for indigents kaya nakatipid ng P4.5million?
O kaya baka tama ang pagtingin ni Provincial Board Member Cris Garbo na sobra-sobra ang hinihinging budget ni Panlilio para sa social services pero hindi naman nito talaga ibinibigay?
Subukan kaya nating magtanong sa mga ospital kung ano ang totoong sitwasyon ng mga kababayan natin doon, at ilan ang mga pasyenteng nangangailangan ng tulong sa pambili ng gamot at iba pang pangangailangan sa pagpapagamot? O kaya tingnan natin ang mga pasilipad at kakayahan at tauhan sa mga ospital na ito upang maayos na makapanggot? Baka malula tayong lahat kapag nalaman natin na kulang na kulang pa nga ang taunang budget na inilalaan ng gobyerno natin para sa mga indigents at mga ospital na ito!
Ewan ko, pero sa pagkakaalam ko, napakarami ng naghihirap nating mga kabalen – sa huling statistics nga ay di bababa sa 40,000 ang pamilyang naghihirap dito, dagdag pa ngayon ang daan-daan libong pamilya na naapektuhan ng bagyo at baha!
Sa tingin ko, hindi na kailangang magyabang pa kapag ginagawa natin ang ating trabaho bilang mga public servants. Lalong hindi na dapat ipangalandakan ito kung palpak ang ating pagtatrabaho. Nakakahiya kasi.
Tama si Vice Gov. Yeng, tama ang “prudent public spending” sa lahat ng pagkakataon – pero not to the expense of depriving the poor of the much-needed funds na talaga namang para sa kanila at kung tutuusin ay kulang na kulang pa nga.
Pero teka, ano nga ba kasi ang ating aasahan pa sa isang administrasyon na pinatatakbo ng isang paring na mas sanay kumabig kaysa magbigay, at ng administrador na nagdudunung-dunungan kaya inaaako ang lahat ng trabaho kung kaya nagkaka-palpak-palpak.
Sana, kahit sa sandaling panahon na lang na natitira para sa Panlilio – Dabu sa loob ng Kapitolyo ay paghusayan naman nila alang-alang sa mga kababayan natin.