Hindi “labs” ni Among Ed ang Pampanga
Noong isang linggo, binusisi sabay binatikos ng paring-gobernador sa isang national tabloid (http://abante.com.ph/issue/oct1709/op_ep.htm) ang madalas na pagbisita ni Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo sa Pampanga. Bilang kongklusyon, at pamagat na rin ng kanyang artikulo, kumbinsido si Gob. Panlilio na “sobrang labs ni PGMA ang 2nd district ng Pampanga”.
Ang kagandahan sa isang opinion column, kumpara sa mga news interviews at reports lang, mas masustansya at malaman ito, at malalasahan ng husto ang putaheng nais ipatikim ng may-akda. Sa pagkakataong ito, maanghang ang niluto ni Gob. Ed para sa kanyang mambabasa.
Kunwaring nagtataka si Gob kung bakit sa dinami-dami ng mga nasalanta ng bagyong Ondoy at Pepeng ay Pampanga ang madalas puntahan nito, at kung bakit daw kaya maski liit-liit na mga proyekto ay pinasisinayaan pa ni Pangulong GMA.
Maraming paliwanag itong si Gob sa sarili niyang tanong.
“Una, si PGMA daw ang nagpupuno sa mga hindi ginawa nang kanyang anak na Congressman na si Hon. Mikey Arroyo. Halos wala kasing napalitaw na mga proyekto si Mikey kung siya ay ihahambing kina Cong. Dong Gonzales, Cong. Tarzan Lazatin at Cong. Ana York Bondoc.”
Gob, sino naman kaya ang magpupuno sa marami ninyong kakulangan ni Prov Admin Vivian Dabu? O baka naman sobrang bilib na bilib kayo sa mga papuri ni Harvey Keh ng Kaya Natin at sa tingin ninyo ay wala kayong pagkukulang sa inyong probinsya? Hindi ba galing din kay PGMA ang releases ng mga "pork barrels" ng mga binangit mong mga diputado? Kailangan po yatang balikan ninyo ang inyong lessons sa Ateneo School of Government para maintindihan ninyo how the budget is passed by Congress and implemented by the Executive Branch headed by PGMA !!! Being the Chief Executive lahat ng pagawain bayan ay galing sa pangulo ng Pilipinas.
“Pangalawa, pagtupad daw ito sa mga pangakong hindi naisagawa ng kanyang yumaong amang presidente. ‘Yung “caduang apag” na hindi nabigyan ng katuparan ni ama ay binigyang realidad ng anak.”
Gob, masama po bang tuparin ang hindi natupad ng ama? Hindi ba magandang senyales ito na ang anak ay nagmamahal sa ama? Kayo po kasi mismong step-mother ninyo ay pinag re-resign kayo, isang napakasamang signos na sa tingin ko ay nagpapatotoo sa sama ng pamamalakad ninyo sa lalawigan.
“Pangatlo, pinapahalagahan daw ni PGMA ang mga kababayan niyang taga-Lubao, lalo na ang pamilyang Pineda na naging mabait sa kanya. Ang anak ni Bong Pineda at Lilia Pineda ang siyang Mayor ngayon ng ba yan ng Lubao.”
Marunong po sigurong tumanaw ng utang na loob si PGMA sa mga kababayan niya na alam niyang minamahal siya. Napakalayo po sa katulad ninyo na nakitira at nakikain sa pamilya ni Mrs. and Mrs. Jun at Lolita Hizon na pagkatapos ay kinagat ninyo ang kamay.
At nga pala, hindi po ba sa halalan dinadaan ang pagpili ng mayor? Mukhang hindi naman po nagsisisi ang mga taga Lubao dahil na re-reelect si Mayor Dennis Pineda at pati nga sa Sta. Rita kung saan si Mayor Yolanda Pineda (manugang ni Mrs. Baby Pineda) ay napamahal na rin ang mga Pineda.
Hindi ka ba naiingit at sila ay nakakabalik sa kanilang mga bayan bilang mga halal?
Bakit hindi ka kumandidatong muli bilang Gobernador para masukat mo gaano ka kamahal ng mga kalalawigan mo?
“At pang-apat, hahabol daw si PGMA sa Kongresso bilang kinatawan ng 2nd District ng Pampanga. O dili kaya’y ito ay may kaugnayan sa plano niyang makatakas sa mga napakaraming kaso na naghihintay sa kanya pagka wala na siya sa puwesto at wala na rin siyang “political immunity”.”
Gob, mahina ata ang kanang kamay mong abugado sa pag advise sa iyo.
Paki remind nga po sila: Si Pres ERAP ay pangulo noong natanggal ito sa pwesto at na-convict. Mayroon nga bang ganoong klase na proteksyon dahil sa pagiging congressman? Itinatakda ng batas na kung ang kaso ay may kaparusahang lampas sa anim na taon, wala na ang “political immunity”na ito. Remember Jalosjos?
Dagdag pa, kung talagang napakarami at napakalala kagaya ng akusasyon ninyo ang mga kaso ni PGMA, ano pa ang hinihintay ninyo? Bakit hindi ninyo siya idemanda ngayon pa lang?
Sana lang huwag mong sapitin ang makulong sa Muntinlupa dahil sa mga akusasyon ng pangdaraya na ginawa mo sa maling pag-report mo ng political contributions, sa pagsisinungaling sa Senate Blue Ribbon Committee na hindi mo ginalaw ang P500,000 na tinanggap mo sa compound ng Malacanang yun pala ay "binukulan" mo ng P20,000 na inamin mo naman matapos kang ibulgar ng dati mong Chief of Staff.
Nabulgar lang na nakatanggap ka kaya daglian mong ibinalik ang P20,000.
Humihingi ka ng komento kaya ito ang mga komento ko:
Mabuti pa si PGMA dumadalaw sa kanyang pinangalingan kumpara sa isang gobernador na sa buong Pilipinas umiikot at maagang nangangampanya dahil namamag-asa na may papatol sa kanyang pangarap na una, tumakbong pangulo, tapos bise presidente, at ngayon ay senador na lang. Pasalamat ka nga at hindi ka binabatikos ni Vice Gov. sa madalas na pagpunta at meetings mo sa Makati, Manila Polo Club, opisina ng Philippine Daily Inquirer, Club Filipino, campaign sorties ng Liberal Party, sa Cebu, sa Benguet, sa US, sa London, etc etc etc.
Siguro maganda batikusin ang madalas na pamamasyal at pagtulong ni PGMA sa Pampanga kung hindi ginagawa ng kanyang gabinete ang trabaho ng mga ito at hindi pinupuntahan ang mga lugar na apektado ng mga bagyo at pagbaha.
Baka magandang tanungin mo muna ang sarili mo kung ano na nga ba ang nagawa mo para sa iyong Kabalen? Baka naman hindi, kaya panay ang reklamo ng mga lokal na opisyal dahil balita ko, mga empty sacks lang na gagamiting pang-sand bag ay ipinagdadamot mo pa.
Nakapagtataka na imbes na ikagalak mo na malapit sa puso ng Pangulo ng bansa ang probinsyang pinamumunuan mo, eh pinaghihimutok at iniintriga mo pa. Lumalabas tuloy na kung “sobrang labs” nga ni PGMA ang Pampanga, ikaw naman eh, sobrang hindi mo labs.