RESIGN?
Gusto ng paring pulitiko na si Pampanga Governor Ed Panlilio na magresign si Pangulong Gloria Macapagal – Arroyo kung tutugon ito sa kahilingan ng mga alkalde sa mga bayang saklaw ng 2nd district ng Pampanga na humabol upang maging kinatawan sa Kongreso sa darating na eleksyong 2010.
Una, wala sa anumang kasalukuyang umiiral na mga batas sa eleksyon o sa Konstitusyon na nagsasabi na dapat magresign ang Pangulo ng Pilipinas kung magdesisyon itong humabol sa mas mababang posisyon sa darating na eleksyon.
Sa pagkakaalam ko, malinaw ito kahit pa sa mismong bigating election lawyer ni Panlilio na si Atty. Sixto Brillantes. Ayon nga sa interview ng abs-cbnnews.com (“Why Arroyo can run for Congress without resigning,” June 23, 2009) kay Brillantes, aminado siya na walang batas sa ngayon na nagbabawal sa pangulo na tumakbo para sa mas mababang posisyon, at hindi rin ito kailangang magresign kung tumakbo man ito.
Kung hindi si Atty. Brillantes ang nagbigay ng advise na ito kay Panlilio, sinong magaling na legal adviser naman kaya ang nagsabi sa paring pulitikong ito na ito ang dapat gawin ni PGMA? Sino pa nga ba ang magaling na abugado para kay Panlilio?
Dagdag pa, kung masusunod rin ang gusto ng suspendidong paring ito, aba eh di lalo nang nagkagulu-gulo. Isipin na lang natin na kung magreresign si PGMA, ang Vice Presidente ang papalit sa kanya. Aangat ngayon ang Senate President at ito ang magiging Vice President. Magkakaroon ngayon ng botohan kung sino ang magiging Senate President. Haaay, kaunting common sense lang po, Among Ed, please? O baka naman gulo lang talaga ang gusto nyo?
Sinasabi din na kung hindi man legal issue ang dahilan sa pagkwestyon sa hindi pagreresign ni PGMA sa pagkapangulo kung ito ay tatakbo sa Kongreso, ang issue daw ay ethics at delikadesa. Para daw maiwasang magamit ni PGMA ang kanyang posisyon sa ngayon bilang pangulo para makapangampanya at maging patas naman sa mga makakalaban nito, kung saka-sakali.
Sa tingin ko, kung meron dapat nagresign bago nagdesisyong tumakbo para sa anumang posisyon sa gubyerno, ito ay si Panlilio. Hindi lang simpleng ethics at morals ang sinagasaan niya noong tumakbo siya bilang gobernador noong 2007, pati utos ng Diyos at Simbahan ay kinalimutan at tinalikuran niya.
Kung pag-uusapan ang “fairness” sa labanan, masasabi ba nating fair ang naging labanan noong 2007 sa pagitan ng sinasabing “good versus evil”? Habang patuloy na dinemonyo at pinasama ang imahe ng mga kalaban niya, nag-uumapaw naman sa pagkadalisay at pagkabanal ang imahe na pilit ikinabit sa pangalan niya – na sadyang napakadaling gawin, totoo man o hindi, dahil, oo, pari siya.
Siya ang dapat na nagresign sa kanyang posisyon sa Simbahan bilang pari para hindi na niya nakaladkad pa ang Simbahan sa lahat ng kapalpakan na ginawa / ginagawa niya dahil sa kanyang pagtatampisaw sa masalimuot na mundo ng pulitika. Hindi na rin sana siya nakalikha pa ng pagkalito at pagkakahati sa hanay ng mga Katoliko sa kung gaano kasagrado ang pagsunod sa Canon Law bilang isang pari. Mayroon tuloy na mga nakakaisip na “optional” ang pagsunod sa mga probisyon ng batas ng Simbahan, at ang maaring argument ngayon ay, “Bakit si Among Ed hindi naman sumunod sa batas ng Simbahan at utos ng kanyang superiors?”
Kaya sana, Gob, may ilang panahon ka rin namang nalalabi para paglingkuran ang mga Kapampangan. Gawin mo na lang sana ito para hindi naman tuluyang lumabas na nagkalat ka lang sa Kapitolyo at para matuwa rin naman sa iyo ang ating mga kabalen, makuha ang kanilang suporta at pagmamahal. Ito, higit sa lahat ang magiging puhunan mo para sa mga mas matataas mo pang balakin sa pulitika, at hindi ang simpleng paninira at pagbira sa bawat kibo’t kilos ni PGMA para sa lalawigan. #